Pampanga – Baler – Pampanga


Maraming Salamat sa Poong maykapal sa ligtas at matiwasay na paglalakbay 🙂
Padyakang balikan mula Pampanga patungong Baler. Kasama ko dito ang magiting na mamamadyak na si Master Marlon. Nagsimula kaming pumadyak ng gabi buhat sa Mabalacat na medyo bumubuhos ang ulan, pagdating ng bandang Tarlac at Nueva ecija ay napaka aliwalas naman. Mahigit alas kwatro na ng umaga bago namin narating at naakyat ang Pantabangan kung saan kami umidlip at nagpahinga. Sa hirap ng ahon at inabutan pa ng init ng araw sa kabundukan ay hapon na bago narating ang Baler, dinaanan na rin namin ang Higanteng Balete sa Maria Aurora.

Kinabukasan ay pinasyalan namin ang dalawan sikat na Talon nang San Luis, ang talon ng Ditumabo (Mother Falls)  at Caunayan. Habang pauwi ay naabutan namin si Master Nelson malapit na sa bayan ng Baler. Pumadyak din galing Pampanga kasama ang kanyang mga katrabaho na galing naman ng Manila.

Nang sumapit ang  gabi matapos makapagpahinga at kumain ay sinimulan na rin naming pumadyak pabalik ng Pampanga, subalit biglang bumuhos ang ulan kayat medyo naantala 🙂 .Agad ipinagpatuloy ng medyo tumila at nagsuot na rin ng kapote :).  Mas masarap talagang pumadyak sa gabi bukod sa malamig ang panahon at halos walang sasakyang dumaraan. Halos maligo pa rin sa pawis habang binabagtas ang mga kalsadang bundok ng Aurora. Sobrang hirap pa rin lalo na ang bahagi sa pagitan ng Aurora at Castañeda, Nueva Viscaya. Halos magliliwanag na ng marating namin ang bayan ng Pantabangan, Nueva Ecija.  Eksaktong 2:26pm na ng hapon ng marating namin ang Mabalacat. 🙂

Ito yung mga lugar kung saan kami kumain at nagpahinga.
1. Petron Pantabangan – Kumain ng agahan ng patungong Baler, me libreng kubo kung saan kami naidlip panandalian. 80 pesos isang order ng adobong kambing.
2. Petron  Castañeda – Tanghalian – 50 pesos yung baka na tila tapa? pero masarap. mas sumarap dahil sa kaning organiko.
3. Tindahan ni Apple sa itaas ng bundok sa napakatarik na kalsada 🙂 bandang aurora at  bukas 24 oras. Masarap yung organikong suman na nanalo raw sa paligsahan. at napakamurang bilihin lalo na mga pasalubong, souvenirs at mga prutas.
4. Restaurant sa pagitan ng Talavera at Cabanatuan malapit sa Arko – Sarap ng bulalong kalabaw na 50 pesos lamang 🙂 nagbigay lakas para makapadyak pabalik ng Pampanga.
5. Gasoline station sa may arko ng Talavera at Cabanatuan – Kung saan kami madalas umidlip patungo at pabalik, meron ding Kubo sa gilid na pwedeng tulugan ng libre.
6. Kainan sa Rizal, Nueva Ecija na bukas 24 oras bago sumapit ng 7/11 kung saan kumain kami ng lugaw ng patungo ng Baler. Mag ingat lamang sa mga pagala galang tao na tila hindi natutulog 🙂

Dobleng ingat rin kami sa mga Aso sa daan lalo na sa kabundukan na madalas humahabol pa habang pumapadyak 🙂

Talaan ng Paglalakbay 🙂
Unang Gabi – Pampanga to Baler – 195km https://www.strava.com/activities/731492911
Kinabukasan – Padyakan sa Talon – 51km –https://www.strava.com/activities/731491992
Pagsapit ng Gabi – Baler to Pampanga – 181km – https://www.strava.com/activities/731492796